Paano ko haharapin ang mga hindi pagkakasundo sa mga gawaing-bahay

From Audiopedia - Accessible Learning for All
Jump to: navigation, search

Ang mga sumusunod ay ilang paraang maaaring gawin kung mayroong hindi pagkakasundo tungkol sa mga gawaing-bahay:

1. Huwag isiping kailangang harapin mong lahat ang mga problema nang mag-isa. Ang pagsasarili ng iyong mga problema ay makadaragdag sa iyong stress level at hindi makabubuti sa iyong kalusugan. Maaaring magkaroon din ito ng masamang epekto sa inyong pamilya. Kailangang may mapagsabihan ng iyong mga nararamdaman, nguni't doon lamang sa mga taong pinagkakatiwalaan. Kahit na hindi agad malutas ang iyong mga problema, makababawas sa iyong stress at tensyon ang maihinga ang mga ito.

2. Humanap ng mga taong maaaring makatulong sa iyong mga problema tulad ng kapamilya, kaibigan o kapitbahay. Kung walang solusyon pang nakikita, subukan ulit ipaliwanag ang mga bagay na bumabagabag sa iyo. Bagama't hindi lahat makakaintindi o makapagbibigay suporta, mayroon ding darating na makakaintindi ng iyong pangangailangan at magbibigay suporta. Minsan kasi, hindi naiisip ng mga lalaki na nangangailangan din ng tulong ang babae dahil hindi nila naiisip ang dami ng mga kailangan gawin ng mga babae. Kaya dapat iparamdam sa pamilya na kailangang magkaisa para na rin sa kapakanan ng mga bata.

3. Piliting maintindihan ng iyong asawa ang halaga ng pakikipaglaro at pag-aalaga ng inyong mga anak. Marami sa mga lalaki ang nag-iisip na dapat ang mga babae lang ang mag-alaga ng mga sanggol o mga bata. Nguni't hindi tama ang ganitong pag-iisip. Ayon sa mga pag-aaral sa mga sanggol at ang mga batang na kabahagi ang mga ama sa pagpapalaki at pagpapa-aral, mas mabuti at mas matalino ang mga ito kapag lumaki. Kaya kausapin ang iyong asawa na kung maaari ay makipaglaro, kantahan o kausapin ang sanggol kahit man lang isang beses sa isang araw. Maaari ring paliguan, masahihan o patulugin ang sanggol.

4. Ibahagi ang iyong problema sa ibang kababaihan. Ang babae ay madalas naiilang at nahihiyang magsabi ng kanilang problema sa ibang tao dahil naiisip nilang walang makakaintindi o di kaya ay bababa ang tingin sa kanila kapag sinabi nila ang kanilang pinagdaraanan. Gayunpaman, ang hindi pagsikap na makipagtagpo o makipag-usap sa ibang babae ay magiging kawalan ng pagkakataong makatanggap, makapagbigay ng suporta sa loob ng lipunang ginagalawan. Maaaring subukang bumuo ng maliit na grupo ng kababaihan na maaaring magkita o magtagpo paminsan-minsan para mag-usap tungkol sa mga problema, sa pamamagitan ng pag-imbita ng mga kaibigan, kaibigan ng kaibigan, kapitbahay o mga kasamahang babae sa trabaho. Matutuklasan mong marami sa kanila ay mayroong pinagdaraanang tulad ng problema mo, at maaari kayong makahanap ng mga paraang matutulungan niyo ang isa't-isa, tulad ng pagbabahagi ng mga trabaho sa pagluluto o pag-aalaga ng mga bata, isa o dalawang beses sa isang linggo.

5. Humanap ng paraan para makapag-relax paminsan-minsan----kahit hindi pa tapos ang gawaing-bahay. Maraming kababaihan ang naniniwalang ang pag-asikaso sa pangangailangan ng kanilang pamilya ang siyang tanging mahalaga, at wala silang karapatang alagaan ang kanilang sarili. Ito ay mali--kapag hindi inalagaan ng mga kababaihan ang kanilang sarili, at hindi binigyang-halaga ang kanilang sariling pangangailangan, maaari silang magkasakit, at sila naman ang aalagaan ng kanilang pamilya. Kaya laging maglaan ng konting panahon para sa sarili para maalagaan ang sariling kalusugan at pagkatao.

Sources
  • Burns, A. A., Niemann, S., Lovich, R., Maxwell, J., & Shapiro, K. (2014). Where women have no doctor: A health guide for women. Hesperian Foundation.
  • Audiopedia ID: fil021008