Ano ang dapat kong malaman tungkol sa diaphragm
Ang diaphragm ay isang mababaw na tasang gawa sa malambot na goma o manipis na silicone na isinusuot ng isang babae sa kanyang ari habang nakikipagtalik. Tinatakpan ng diaphragm ang cervix upang hindi makapasok sa kanyang matris ang semilya ng lalaki.
Kapag tama ang paggamit sa diaphragm, madalas napipigilan nito ang pagbubuntis maaari ring magbigay ng proteksiyon laban sa mga STI. Ang diaphragm ay dapat gamitin kasabay ng spermicide. Kung wala kang spermicide, maaari mo pa ring gamitin ang diaphragm, nguni't hindi ito kasing bisa sa pagpigil ng pagbubuntis.
Ang diaphragm ay may iba't-ibang sukat, at makukuha sa mga health posts at family planning clinics. Ang isang health worker na may pagsasanay sa pelvic exams, ay maaaring magsuri at maghanap ng tamang sukat ng diaphragm. para sa iyo. Mabisa lamang ang isang diaphragm kapag tama ang sukat ng ginagamit.
Maaaring magkaroon ng mga butas ang mga diaphragm, lalo na kung ginagamit na ng mahigit sa isang taon. Makakabubuting madals tingnan ang iyong diaphragm. Palitan ito kapag natutuyo o tumitigas na ang goma, o kapag may butas na ito.
Maaari mong isuot ang diaphragm 6 na oras bago magtalik, o bago makipagtalik. Kung higit pa sa isang beses nakikipagtalik pagkatapos maisuot ang diaphragm, dagdagan ang spermicide sa iyong ari, at sa tuwing bago ka makikipagtalik, nang hindi tinatanggal ang diaphragm.