Pagkatapos makaranas ng trauma ang isang tao, maaaring magkaroon siya ng iba’- ibang reaksiyon, tulad ng:
Paulit-ulit na binabalikan ang trauma sa kanyang isip. Habang gising siya, maaaring naaalala niya ang mga masasamang bagay na nangyari. Maaari niya itong mapanaginipan sa gabi o kaya'y hindi makatulog dahil naiisip niya ang mga pangyayari.
Namamanhid o hindi na gaanong maramdaman ang emosyon hindi tulad nang dati. Maaaring iwasan niya ang mga tao o lugar na nagpapaalaala sa kanya ng trauma.
Nagiging mapagmasid. Kung lagi siyang nakabantay sa anumang panganib, mahihirapan siyang magpahinga at matulog. Maaaring sobra ang reaksiyon kapag nagugulat.
Nakadarama ng matinding galit o lubos na kahihiyan tungkol sa pangyayari. Kung ang isang tao ay nakaligtas sa trauma kung saan may mga namatay o malubhang nasugatan, maaaring makonsiyensiya na mas nagdusa ang ibang tao kaysa kaniya.
Pakiramdam na hiwalay at malayo sa ibang tao.
Nagkakaroon ng mga silakbo ng kakaiba o marahas na pag-uugali, na ikinalilito niya sa kaniyang kinaroroonan.
Ang mga taong na-trauma ay maaari ring makaramdam ng pagkabalisa o kalungkutan, o gumamit ng alak o mga gamot nang hindi tama.
Marami sa mga palatandaang ito ay mga normal na tugon sa isang mahirap na sitwasyon. Halimbawa, normal lang na makadama ng galit sa nangyaring trauma, o maging mapagmatyag kung mapanganib pa rin ang sitwasyon. Nguni’t kung ang mga palatandaang ito ay lumalala na at ang tao ay hindi na makatupad sa kaniyang araw-araw na gawain, o kung ang mga palatandaan ay nagsimula makalipas ang ilang buwan nang mangyari ang trauma, ang tao ay maaaring mayroong problema na sa katinuan.
Sources
Burns, A. A., Niemann, S., Lovich, R., Maxwell, J., & Shapiro, K. (2014). Where women have no doctor: A health guide for women. Hesperian Foundation.