Anu ang maaari kong gawin upang mapigilan ang impeksiyon sa pantog at bato
Umihi pagkatapos makipagtalik: Sa pakikipagtalik, ang mikrobyo mula sa ari ng babae at sa puwi ay maaring maitulak paakyat sa pamamagitan ng daluyan ng ihi papunta sa pantog. Ito ay isa sa mga pangunahing dahilan sa mga kababaihan ng pagkakaraon ng impeksiyon sa pantog. Para maiwasan ang impeksiyon, umihi pagkatapos ng pakikipagtalik. Ito ay nakakapagpalinis ng pantog (pero hindi nito makapipigil sa pagbubuntis).
Uminom ng maraming likido: Ang mga mikrobyo ay pumapasok sa katawan ng babae o dumarami kapag siya ay hindi umiinom nang sapat na tubig, lalo na kung siya ay nagtatrabaho sa labas na may mainit na panahon at nagpapawis nang marami. Ang mikrobyo ay mag-uumpisang dumami sa pantog na walang laman. Subukan uminom ng kahit na 8 baso o tasa (2 litro) sa loob ng isang araw. Kung nagtatrabaho sa mainit na lugar o kuwarto, dagdagan pa ang pag-inom.
Subukang umihi tuwing ika-3 o 4 na oras: Ang hindi pag-ihi ay nagbibigay ng pagkakataon sa mikrobyo na dumami na maaaring makapagdulot ng impeksiyon. Kaya huwag magtiis na hindi umihi nang matagal na oras (lalo na kapag nasa biyahe o nagtatrabaho).
Panatilihing laging malinis ang ari: Ang mikrobyo mula sa ari ---at lalo mula sa puwitan ---ay maaaring mapunta sa daluyan ng ihi at maging sanhi ng impeksiyon. Subukang hugasan ang ari araw-araw, at laging punasan mula sa harap papunta sa likod, pagkatapos dumumi. Ang pagpunas ng pasulong ay maaaring maging sanhi ng pagkalat ng mikrobyo mula sa puwitan papunta sa daluyan ng ihi. Turuan ang mga batang babae sa tamang paraan ng pagpunas pagkatapos dumumi. Hugasan din ang ari bago makipagtalik. Panatilihin malinis ang tela at panlaman na ginagamit sa araw ng buwanang pagdurugo, sa pagitan ng bawat gamit.